
Isang araw lang.
Iyon lang.
Hinihiling ko lang na sana magkaroon ako ng isang araw na walang iniisip at walang inaalala.
Isang araw na magagawa ko ang aking gusto nang walang bumabagabag sa aking puso.
Isang araw na hindi ako dadalawin ng takot. Takot na baka ito na ang huli at lahat ng nangyayaring tama ay mapapalitan ng isang libong mali.
Isang araw na walang kaba na baka panandalian ang kaligayahan na nadarama. Na baka may mangyaring hindi maganda.
Isang araw na malaya ang aking imahinasyon na lumipad at magtungo kung saan naroon ang mga bumubuhay sa aking mga pangarap. Kung saan malaya akong managinip at umasa sa mga maaari pang ihain sa akin ng tadhana.
Isang araw na wala ang pakiramdam na mayroong nagbabadyang bagyo na sisira sa mga gusto kong makamit sa buhay.
Sana dumating na ang isang araw na yon. Kailangan kong dumating ang araw na yon.
Dahil nararamdaman ko na malaki ang posibilidad na balutin ako ng mga itim na ulap.
Unti-unting nagdidilim ang paligid.
Unti-unting nawawalan ng pag-asa na baka bukas magiging maayos na ang lahat.
At ito na ang magiging hudyat na magsisimula na ang panghabang-buhay na pagbuhos ng malakas na ulan.


