Tag: buhay

ᜆᜋ ᜈ : Tama na

Isang araw lang.
Iyon lang.
Hinihiling ko lang na sana magkaroon ako ng isang araw na walang iniisip at walang inaalala.

Isang araw na magagawa ko ang aking gusto nang walang bumabagabag sa aking puso.

Isang araw na hindi ako dadalawin ng takot. Takot na baka ito na ang huli at lahat ng nangyayaring tama ay mapapalitan ng isang libong mali.

Isang araw na walang kaba na baka panandalian ang kaligayahan na nadarama. Na baka may mangyaring hindi maganda.

Isang araw na malaya ang aking imahinasyon na lumipad at magtungo kung saan naroon ang mga bumubuhay sa aking mga pangarap. Kung saan malaya akong managinip at umasa sa mga maaari pang ihain sa akin ng tadhana.

Isang araw na wala ang pakiramdam na mayroong nagbabadyang bagyo na sisira sa mga gusto kong makamit sa buhay.

Sana dumating na ang isang araw na yon. Kailangan kong dumating ang araw na yon.

Dahil nararamdaman ko na malaki ang posibilidad na balutin ako ng mga itim na ulap.

Unti-unting nagdidilim ang paligid.

Unti-unting nawawalan ng pag-asa na baka bukas magiging maayos na ang lahat.

At ito na ang magiging hudyat na magsisimula na ang panghabang-buhay na pagbuhos ng malakas na ulan.

kwarter layp

Bakit ko ba ginagawa ‘to?

Babangon. Gigising. Imumulat ang mga mata. Tititigan ang kisame hanggang sa lumipas ang isa o dalawang oras. Papakiramdam kung gising na ba ang diwa at tatanungin ang sarili kung kakayanin na bang harapin ang panibagong araw. 

“Para kanino ba to?”

“Para saan ba to?”

“Hanggang kailan ko ba gagawin to?”

“Bakit ko ba ginagawa to?”

Ang dami agad gumugulo sa isip sa pagmulat pa lang sa umaga. Napakadaling umayaw, humilata buong araw at titigan ang kisame. Kung pwedeng iyon lang ang gawin, bakit ka pa magpapakiharap na bumangon at lumaban. 

Hindi. 

Hindi pwede. Dahil ang araw na ito ay isa lang sa ilan pang mga araw na sasalubungin mo. 

Iyon naman ang plano, di ba? Ang mabuhay nang matagal. Mag-aral nang mabuti. Maghanap ng magandang trabaho. Kumayod nang kumayod hanggang kaya. Kahit parang nabubuhay ka na lang para sa iba.

Wala.

Walang kwenta ang pinagpaguran mo kasi naubos ka na kabibigay ng oras mo. Gumigising ka nga pero unti-unti mo namang pinapatay ang sarili mo. 

Sigurado Ka Na Ba?

Muntik na akong umiyak.
Kanina habang tinatahak ng sinasakyan kong jeep ang kahabaan ng Ortigas Extension, palalim naman nang palalim ang tinatakbo ng utak ko. Sa isang oras at kalahating biyahe ko sa trabaho, ilang beses ko ng pinatay ang sarili ko sa aking utak. Ewan ko ba na kung bakit sa dinamiraming pwedeng isipin, iyong ideya na yon pa ang tinambayan ng konsensiya ko.
Siguro pagod lang ako.
Siguro kulang lang ako sa tulog.
Siguro masyado lang mainit ng mga oras na yon.
Siguro. Siguro. Siguro.
Siguro kung babangga itong sinasakyan ko
Siguro kung may biglang tumawid at nataranta ang driver
Siguro kung tatalon ako dito sa footbridge
Siguro kung bigla akong tatawid sa malawak na kalye
Siguro. Siguro. Siguro.
Siguro may iiyak
Siguro may mababago
Siguro parang wala lang naman no?
Siguro naman tatakbo pa rin ang mundo.

Mukhang wala naman atang kasiguruhan dito sa mundo. Ang alam ko lang, inaantok na ako at gusto kong humilata at tumunganga habang pinagmamasdan ang puting liwanag na unti-unting bumabalot sa akin.


“ANAK!”

Someone Somewhere

Someone somewhere is having the time of her life.
Someone somewehere is giving her last breath.
Someone somewhere is falling in love.
Someone somewhere is crying her heart out.
Someone somewhere found out the purpose of her existence.
Someone somewhere is experiencing what you are going through right now.
And someone somewhere wish they were you right now.

Ang Importante

At sa paglubog ng araw
Magpasalamat ka na lang na buhay ka pa
Na yong puso mo tumitibok pa
Na yong baga mo gumagana pa
Na yong dugo mo patuloy pa rin sa pagdaloy
Na yong paa mo hindi ka hinahayaang madapa
Na yong kamay mo tinutulungan kang makuha ang mga kailangan mo
Na yong utak mo hindi nakakalimutang makipag-usap sa iba pang parte ng katawan mo
Ang mahalaga ay hanggang ngayon, nandito ka pa rin sa mundo.
May pagkakataon ka pang mabuhay.
At iyon ang mahalaga.